Ang Mt. Igcoron. Isa sa mga bundok na tinitingnan ko araw-araw
Pagkatapos ng hapunan, pinapayagan ako manood ng mga lolo't lola ko ng mga pelikula ni Fernando Poe Jr. sa bodega ng kamag-anak namin. Nakaupo kaming mga bata sa mga bangko tapos naghihintay na ilagay ang betamax tape. Doon umiikot ang mga gabi ko. Kung hindi sa betamax tapes, sa radio. Parang ang simple at ang liit ng mundo ko. Yung parang napapanood sa Tagalog movies. Kuntento na ako sa mga ginagawa ko pero yung imagination ko tumatakbo. Hindi ko maalala lahat ng kuwento sa mga pelikula ni FPJ pero pinasaya niya ang maraming gabi ng aking pagkabata. Kaya siguro kampi ako sa Genuine Opposition ngayon. Haha.
Hindi ko maintindihan kung bakit naisip ko bigla ang Antique. Noong isang gabi naman Iloilo kasi yung tinutulungan na Binon-an (Batad) Elementary School ni Nel sa Pinoy Big Brother, school sa town ng dad ko. Habang nakasakay ako sa bus at tinatahak ang Aguinaldo Highway noong isang umaga, naiisip ko yung tanghaling tapat na tumatakbo-takbo ako sa taniman ng mga gulay ng lola ko at hinahaplos-haplos ang mga kamatis, hinihipo ang mga sitaw at pinagnanasaan na pitasin ang mga talong. Bigla ko rin naalala na ako ang sumisilip sa pagitan ng sahig sa bahay namin sa uma para tingnan kung nangitlog na yung mga manok sa silong. Probinsiyang-probinsiya talaga. Tuwing malapit na ang birthday ko, lagi ko na lang naaalala ang Valderrama. Tuwing tanghali, naiimagine ko yung nakikita kong usok sa likod ng mga palayan, ng mga puno galing sa ibang bahay. Nagluluto na ng tanghalian. Minsan hinahanap-hanap ko yun sa Cavite. Kaya nga kapag umaga tapos pauwi ako naeexcite ako kapag naririnig ko yung huni ng ibon na katulad nang naririnig ko sa Antique kapag naglalakad kami ng lola ko papunta sa uma. Hindi biro maglakad dahil sa layo pero nakakatuwa at hindi ko napapansin yung hirap sa pag-akyat ng bundok. Siguro kasi nagkukuwento lola ko tungkol sa mga panahon na nagtatago sila sa mga sundalong Hapon. Tinitingnan ko lahat ng mga puno, mga liblib na lugar tapos naiisip ko kung paano nagtago yung mga tao noon. Dati kaya ko pa umakyat ng bundok pero ngayon kaunting ikot lang sa mall, masakit na paa ko. Haaay... Naalala ko yung mga panahon na sinasawsaw ko mga paa ko sa maliliit na sapa na nadadaanan namin, sa mababatong ilog pati sa mga irrigation canals. Natatagalan kami sa paglalakad kasi nakatitig lang ako sa tubig habang umaagos. Minsan sa sapa sa tabi ng dating bahay namin sa uma, naglalagay ako ng mga tuyong dahon galing sa mga kawayan tapos iniimagine ko na mga bangka. Hahabulin ko tapos tumatalon-talon pa ako. Siyempre maliit pa ako nun kaya yung hanggang tuhod na tubig ngayon, malalim na sa akin.
Isang beses, naliligo ako sa sapa. Bigla may lumutang na ahas. Siyempre tumalon ako sa takot. Patay na pala. Kaya naman ngayon may phobia na ako sa ahas eh. Gustong-gusto ko marinig yung tunog ng kawayan kapag mahangin. Gusto ko makaramdam ng init ng araw. Hindi yung mala-skin cancer na init kundi yung parang sunlight sa Cali Shandy commercial dati. Yung auntie ko si Auntie Bebeng (Analyn) na mommy ni Quincy kasama ko pa dati kasi ilang years lang naman gap namin. Hinihintay ko siya matapos mamitas ng lumboy na tinatawag na duhat sa Tagalog. Kaya siguro sobrang bumabawi si Quin sa akin ngayon kasi sakit ako sa ulo ng auntie ko noon. Dahil wala naman kaming perang pambili ng manika, ginawan niya ako mula sa mais. Yung mga mais na may mga hibla-hibla, ginagawa naming buhok kunyari. Siyempre wala na akong manika kapag niluto na. Kaya noong pumunta kami sa palengke isang araw, binilhan ako ng manika ni Nanay Mameng. Glory Ann name niya. Tapos pumipikit-pikit yung mga mata. Nilalaro ko si Glory Ann habang kumakain ng cheese curls na may iba't-ibang kulay. Yung mga cheap junk food na nabibili sa palengke malapit sa town plaza kapag market day. Nagbebenta kasi ng tabako si Lola Sario (nanay ng mom ko) kaya ako bilang nag-iisang apo ang pinapasyal doon.
Si Auntie Bebeng niyaya ako maglaro ng bahay-bahayan sa labas ng bahay namin noon. Malilim kasi madaming puno kasama na yung lilim galing sa star apple ng kamag-anak namin sa kabilang bahay. Yung kumot, ginawa niyang tent dati tapos may lutuan pa kami. Gumagawa siya ng apoy tapos nagluluto ng sapsap. Paborito namin yun hanggang ngayon. Ang sarap. Sobrang enjoy. Sana nga nagagawa namin ni Quin yun ngayon. Kaya lang delikado kasi baka masunog niya kaming dalawa sa kakulitan niya.
Ang hindi na siguro makakalimutan ng auntie ko ay yung takot ko sa flash ng camera. Lahat ng pictorials namin dati, iniiyakan ko. Ang cute pa ng mga damit ko noon. Babaeng-babae kasi magaling magtahi ang Lola Nene ko. May damit akong may ruffles, may polka dots. Tapos naka-pearl necklace ako at bracelet. Parang Jackie Onassis sa elegance. Yun nga lang magang-maga lagi mga mata ko tapos halos mawalan ng circulation ng dugo yung wrist ni Auntie sa sobrang higpit ng hawak ko. Feeling ko pagflash ng camera, may kasamang bala. Nasobrahan sa FPJ movies eh. Pero ngayon kahit magulo ang buhok o kaya bagong gising, picture agad gamit ang camera phone. Pag nascan ko na mag pictures ko, ilalagay ko dito. Ugly duckling ako dati. Ayoko na idescribe kasi indescribable din naman talaga. I'll let the pictures speak for themselves. Sabihin na nating walang nakadisplay na childhood pictures ko sa bahay.
Hindi ko maintindihan bakit sobrang emotional nanaman ako lately. Pinagtitiyagaan ko nga tingnan yung ilog sa Salitran. Miss ko na siguro sobra ang Antique. Doon ako naging pinakamasaya. 1998 pa ako huling nakapunta doon. Bago mag-elections. Hindi pa ako puwede bumoto noon. Gusto ko ng simpleng buhay. Hanggang ngayon, gusto ko pa rin maging flight attendant para makapunta ng Italy, France, Greece at Egypt. Pero sa totoo lang, iba yung desire ko na makabalik ng Antique kaysa makapunta sa ibang bansa. Gusto ko maglakad paakyat ng bundok, tumawid at maligo sa ilog. Gusto ko makarinig ng mga taong nagsasalita ng Bisaya, makaamoy ng alat ng dagat, ng usok kapag nagsisiga sa bakuran tuwing umaga at saka ng nilulutong ulam ng kapitbahay. Patay na yung ibang matatandang kamag-anak namin. May paborito akong bilihan ng bibingka at puto dati. Sa pagkahumaling ko sa bibingka na ginagawa niya, naalala ko pa kung saan siya nakatira kahit matagal na ako nakatira sa Manila. Noong elementary ako, dinala ko si Nanay Mameng doon isang umaga para bumili. Dumungaw sa bintana yung anak nung matanda. Matagal na daw pumanaw yung magaling gumawa ng bibingka. Isipin mo na lang ang lungkot ko. Halos ilang taon din hinanap-hanap ng tastebuds ko ang lasa ng bibingka niya. Hanggang ngayon , wala pa rin akong natitikman na ganun.
Iba kasi ang memory ko pagdating sa mga bagay noong bata pa ako. Kahit amoy o lasa nakakapagpaalala sakin ng magagandang bagay sa nakaraan ko. Kahit amoy ng bagong bungkal na lupa at damo, nakakapagpaexcite sa akin.
Naalala ko dati, yung kamag-anak namin nagtanggal ng mga uod sa garden nila. Earthworms yata yun. Ang dami sobra. Hindi ako makalapit. Isang panibagong phobia. Tapos may puno kami sa tabi ng gate. Puro higad. Mga higad na tibuan ng mga sanga dahil punung-puno lahat ng parte na makita ko. Wala kaming magawa kundi sunugin yung buong puno kasi nakakaawa yung mga bisita na nilalaglagan na lang bigla. Haha! Saka halos hindi ako makalabas ng bahay dahil doon. Alangan naman umilag ako every second para hindi madapuan ng higad. At dahil wala pa akong weight problem noon at boyish pa ako, ang galing ko umakyat ng puno. May puno ng aratiles sa uma. Lagi ako nandoon. Malapit doon yung bamboo pole ng kontrabidang pet monkey namin na sinabunutan ako one time. Ang sarap ng pagkaupo ko. Nakikita ko yung palayan, mga puno at bundok at sobrang mahangin. Para akong dinuduyan. Ang lambot pa ng hawak kong sanga. Todo hipo ako. Pagtingin ko higad pala. Napatalon ako pababa. Buti hindi ako nangati. Dagdag phobia.
Kapag semana santa naman, kasama ko ang mga auntie at uncle ko. Bagets pa sila noon. Nagsisimba kami pag hapon. May pink rosary pa nga ako eh. Kaya lang hindi ko na alam kung saan na ngayon. Ang daming teenagers sa paligid ko. Feeling baby tuloy ako na hatak-hatak ng mga auntie ko. May mga prusisyon pa. Yung isang batang babae doon na Dutch, bida sa lahat ng angels kasi ang ganda niya. Blonde eh. Dahil Protestant ang parents ko, hindi pumayag lola ko sumali ako sa salubong. Gusto ko din magsuot ng wings at white dress pero ano naman magagawa ko kung hindi puede? Hmp. Saka ang itim ko noon. Hindi kaya ako mukhang angel. Noon pa man, hindi na ako mala-anghel.
Ang daming memories. Isa sa paborito ko yung sinasama ako ng lola ko kapag naglalaba siya sa malaking ilog malapit sa bahay namin sa bayan. Naliligo ako kasama nila Lotlot, yung anak ng kamag-anak namin na pinakain ko ng Tarzan bubblegum at may alagang aso na sinampal ko. May parte na malalim tapos ang lakas ng agos kaya sa gilid lang ako doon sa may malalaking bato. Sa uma naman, may malaking ilog din. Parang pang whitewater rafting sa lakas ng agos. Pero si Lola Sario, kaya lumusong dun. May dala-dala siyang panghuli ng maliliit na hipon. Sarap pang-ulam. Niluluto naman sa kamalig sa gitna ng palayan. Kapag nagpapagiling naman ng mga asukal galing sa tubo, tumatambay ako sa gilingan ng kamag-anak namin. Ginagawan ako ng lolo ko ng kalamay na puti na hugis ibon. Natutunaw sa dila ko. Smooth. Parang M&M chocolates. Kumakagat din ako ng tubo kahit mahirap at matigas. Ang sarap. Ang init-init pero masaya kasi madaming tao tapos minsan ako lang yung bata.
Wala pa ako dati ng mga luho na meron ako ngayon. Oo, spoiled ako pero kumakain ako ng kanin na binilog-bilog ng lola ko tapos sinasawsaw sa bagoong. Sobra ako sa pagmamahal pero hindi sa materyal na bagay.
Lahat parang adventure. Naranasan ko na nga yung bumagyo ng malakas at lumusong kami pauwi sa bayan sakay ng jeep. Lumakas yung agos at halos pasukin na ng tubig yung sasakyan. Hindi ko na maalala kung paano kami nakaalis doon pero feeling ko fun yun kahit delikado. Isang beses naman, naiwan kami ni Nanay Mameng sa bayan kasama ni Apoy, yung great-grandmother ko. May sakit si Apoy tapos may bagyo pa. Nagluluto ng bigas si Nanay Mameng. Sa lakas ng bagyo, nasira yung bubong at yung kanin namin naging lugaw na. Nilagyan ng lola ko ng asin saka pinakain sa akin. Sarap.
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin nakakalimutan lahat. Doon ako nanggaling at doon ko balak bumalik. Malapit na ako maging 26 pero hindi pa rin ako nagbabago. Umiikot pa rin ang mundo ko sa Valderrama. Oo, gusto ko pa rin magbiyahe. Pero ngayon ang gusto ko puntahan, hindi Hong Kong, hindi Amerika kundi Antique. Natatawa na nga lang ako sa ibang tao kapag iniisip nila na sosyal ako. Nakakatawa kapag iniisip nila na maarte ako. Hindi nila alam, iba namin kasi si Pempem kay Reapearl. Sa bahay, mas gusto ko magsalita ng Bisaya at amoy pa lang ng sapsap o daing, heaven na. Haha!
Town Plaza. Dito ako unang nakakain ng cotton candy. Ilang plastic yata naubos ko sa katakawan. May malaking event noon at pumunta kami ng lola ko. May dala siyang pera kaya nakakain ako ng ilang plastic ng cotton candy.
Sobrang laking ilog papasok ng town. Hinahanap-hanap ko pa rin ang ilog na yan. Wala pa akong nakikitang kasing ganda.
Ang ganda sobra.
Isa sa mga sapa sa uma. Tuwing summer tuyo hanggang end of May kasi simula na ng tag-ulan. Isipin niyo na lang noong bata ako tumatampisaw ako diyan. Hehe.
Salamat kay Nat Pagayonan para sa pictures ng Valderrama. Nakuha ko lahat sa website niya: http://www.pbase.com/explorer/